Saturday, December 15, 2007

Roxas, Handang Pakasalan Si Korina Sanchez Sa 2008

Roxas, Handang Pakasalan Si Korina Sanchez Sa 2008
Tabliba Tabloid
December 15, 2007
By: Marion Purificacion


Handa nang pakasalan ni Senador Mar Roxas ang batikang broadcaster na si Korina Sanchez ngayong papasok na taong 2008.

Ito ang pagmamalaking sinabi ng senador matapos makipagkantyawan sa ilang kausap na Senate reporters kahapon ng tanghali.

Bagaman hindi malinaw kung anong uri ng 'kasal' ang magaganap sa pagharap sa dambana sa babaeng itinuturing niyang pinakamamahal, inamin nito na mangyayari iyon sa susunod na taon kung hindi lamang magkakaroon ng aberya.

Sa simula, bantulot si Roxas na sumagot hinggil sa isyu ng kasal. Nakipagbiruan pa ito na hindi mangyayari ang kasal ngayong taong 2007, pero ikinukonsidera niya na mangyayari ito sa papasok na taon.

"Lahat naman tayo may pangarap magpakasal. Sana mangyari nga iyon," halos pagkakilig pa na sinabi ng Presidente ng Liberal Party.

Itinuturing na si Sanchez ang pinaka-lucky charm ni Roxas sa pulitika dahil aminin man nito o hindi, malaki ang naitulong ng beteranang broadcaster sa kandidatura nito noon nangangampanya pa lamang ito bilang senador.

Maugong naman na si Roxas ang tatakbo bilang pangulo ng bansa sa inaabangang 2010 presidential elections.

Sakaling matuloy ang pagpapakasal kay Korina na isa ring dalaga hanggang sa ngayon, tiyak na ito na ang magiging 'first lady' ng bansa sakaling manalo sa kinapananabikang halalan.


*Special thank you goes out to Kace_Jackie of K2K Yahoo Group for this article.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home