Monday, August 17, 2009

Korina Sanchez and Sen. Mar Roxas Announce The Exact Wedding Date

Korina Sanchez and Sen. Mar Roxas Announce The Exact Wedding Date
http://www.abs-cbn.com
By: Bernie Franco
August 17, 2009

Inanunsyo na kahapon sa The Buzz nina Korina Sanchez at Sen. Mar Roxas kung kailan gaganapin ang kanilang kasal. Sa October 23 ay mangyayari na ang pinakahihintay na kasalan ng dalawang kilalang personalidad sa public service. Paliwanag nila, may malaking kabuluhan ang pagkakapili nila ng nasabing petsa. “’Yung Oktubre birthday month ni Korina at birthday ng yumao kong kapatid,” simula ni Sen. Mar. “Yung 23 suwerte sa amin ‘yan both in astrology at saka sa Chinese calendar. At sa numerology sinabi nila ang two and three ‘pag pinagsama, five (so) buntis. Maganda ‘yun.”

Hindi naman itinatago ng dalawa na dahil sa kanilang edad ay baka mahirapan si Korina sa pagbubuntis subalit napayuhan naman umano sila ng doktor na malaki pa rin ang posibilidad na mangyari ito. Wika nga ni Korina, kailangang humabol kahit makaisang anak lamang sila.

Noong Agosto 11 din, Martes, sinimulan na ng magkasintahan ang pagtingin ng mga simbahan kung saan idadaos ang kanilang kasal. Bumisita muna sila sa Sto. Domingo, Church at nagustuhan nila rito ang malaking espasyo ng simbahan. Nais kasi ng dalawa na hindi lamang ang mga kamag-anak nila ang makapunta kundi ang kanilang mga tagasuporta.

Pangalawa naman nilang tiningnan ang Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila at nagustuhan nila ang magandang sound system doon at authentic na pipe organ bukod pa sa malaki rin ang simbahan. Gayunpaman, hindi pa rin nakapagdesisyon ang dalawa dahil kailangan pa umano nilang makita ang ikatlong simbahan bago sila magdesisyon.

Nagkaroon din ng bonding ang dalawa dahil inilibot ni Sen. Mar si Korina sa kanyang mga probinsya upang makilala ng huli ang pinagmulan ng senador at ang mayamang kultura ng kanyang mga probinsiya.

Una silang nagtungo sa Bulacan kung saan bukod sa pagpapakilala sa mga kamag-anak ni Sen. Mar, sabay din nilang ginawa ang mga nakagawiang pamumuhay sa probinsya. Sumunod na pinagdalhan ng senador kay Korina ang Bacolod at Iloilo.

Sa loob ng dalawang buwan ay ikakasal na sila, at sinabi ni Sen. Mar kay Korina na ito ang kanyang tanging hangad. “Ito ang susunod na yugto sa pagsasama natin punung-puno ng tuwa ang puso ko at buong-buo ang loob ko na ito talaga ang susunod para sa atin,” mensahe ng senador kay Korina. “Dahil sa iyo nagbago lahat ang aking plano, ‘yung pinapangarap kong buhay at makakasama habambuhay, sa wakas ay magkakatotoo na rin. I love you,” sagot naman ni Korina sa kanyang kasintahan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home