Wednesday, May 05, 2010

Sagot ni Korina Sa Isyung Pag-Boo Sa Kaniyang Laban Sign Sa TFF Concert

Sagot ni Korina Sa Isyung Pag-Boo Sa Kaniyang Laban Sign Sa TFF Concert
Taliba
By: Ian F. Fariñas
May 4, 2010


PULITIKA ang nasa likod ng paglaki ng insidenteng bi-noo siya sa Araneta Coliseum sa kasagsagan ng concert ng ’80s English pop rock duo na Tears for Fears nu’ng Linggo ng gabi.

Ito ang binitawang pahayag ni Korina Sanchez sa isang mini-interview sa Imperial Palace Suites ng Regal matriarch na si Lily Monteverde kahapon ng hapon.

Sey ng batikang brodkaster, ang suspetsa niya, anti-Noy-Mar group ang nag-boo sa kanya sa pag-aakalang hanggang sa Tears for Fears concert, nangangampanya siya.

Ang totoo, dagdag pa niya, gaya ng iba ay nagkakasiyahan lang sila ng mga kasamahan niya at wala siyang ideya na kinukunan na pala sila ng kamera at ipinakikita sa giant screens.

“Concerts are a venue of expression, kung gusto kong magsayaw with the ‘L’ (Laban) sign, karapatan ko ’yon. Kung gusto kong magsuot ng Mar T-shirt, karapatan ko rin ’yon. Paano pa kung ang ipinokus ng cameraman ay itong ‘I Love Mar’ pin na suot ko? Eh, ’di ganu’n din ’yon? Hindi naman ako umakyat sa entablado, ’di ba?” paliwanag pa ni Koring.

Sang-ayon daw siya sa obserbasyon ng iba na hindi na siya dapat ipinakita pa sa giant screens. Agree rin daw siya na hindi dapat ginagamit ang concert gaya ng sa Tears for Fears para mangampanya.

“Ang problema, ni hindi ko alam na nasa big screen pala kami. Trenta kami lahat na magkakasama dahil galing kami sa rally (sa People Power Monument). Kung tutuusin, hindi dapat pinokus ang mukha ko at all, ang aking mukha ay isang malaking ‘L’ sign.

“So, siguro, kung magagalit sila, magalit sila du’n sa kumuha sa ‘kin sa screen,” depensa pa niya.

Sa totoo lang, hindi na raw sana niya sasagutin pa ang isyu. Kaso, pakiramdam ni Korina, kailangan niyang protektahan ang pangalang pinaghirapan niyang buuin sa loob ng napakahabang panahon.

Tanggap daw niya na sakaling palarin ang vice presidentiable husband na si Mar Roxas sa eleksyon, hindi na siya makababalik pa sa newscasting. Kaya ngayon pa lang, handa na ang loob niya sa paggawa ng ibang bagay, gaya ng TV commercials.

Eh, paano pa raw siya pagkakatiwalaan kung hahayaan lang niyang masira ang iniingatang pangalan dahil sa pulitika?

Anyway, hiningi rin ng showbiz press ang reaksyon ni Korina sa pahayag ni Sen. Chiz Escudero na may “B” ang manok niya sa Mayo 10: Si Makati Mayor Jejomar Binay, kalaban ni Sen. Mar sa pagka-bise presidente.

Ang sagot ni Koring, “Well, ang masasabi ko lang d’yan, eh, may ‘K’ (as in, karapatan) ang bawat isa sa atin na pumili ng gusto nating tandem. May ‘K’ si Chiz na sabihing may ‘B’ ang kandidato niya in the same way na may ‘K’ din akong sabihin na walang ‘B’ ang sa akin. Walang bisyo, walang barkada, and you can check that out, higit sa lahat, walang babae, ako lang.”

0 Comments:

Post a Comment

<< Home